Saturday, August 15, 2009

Maliit na malaking bagay...

            Okay, dahil Buwan ng Wika ngayon, Tagalog muna ang wikang aking gagamitin sa mga kalokohang aking ibabahagi ko sa inyo ngayong buwan.

Kakatapos pa lamang kanina ng isang nakadudugong pagsusulit sa Sipnayan 17 (Math 17). Aaminin ko, hindi naman ako nagbalik-tanaw sa aking mga aralin ngunit sadyang napakahirap lamang talaga ng pagsusulit. Masuwerte na ako kung ako'y makakuha ng 70 pataas na marka.

Sa pagtatapos ng aming pagsusulit, mga bandang 9:00 a.m. ng umaga, inaantay ako ng dalawa kong kaibigan. Tila kapareho ko naman silang nahirapan sa pagsusulit, ngunit batid kong mas mababa ang markang aking makukuha dahil alam kong nag-aral sila kahit papaano, hindi katulad ko. Sa aming paglalakad, mayroon silang pinag-uusapang dalaga na itatago ko sa pangalang Bb. Hindi ko kilala o HKK (paumanhin sa pangalan, walang ibang pumapasok sa aking isipan ngayon. Isa pa, kilala ko lamang siya sa pangalan). Sa kanilang pagkakakuwento, napakaganda nitong si Bb. HKK dahil ayon sa kanila, hawig daw ito sa aming kamag-aral nuong kami ay nasa City of Mandaluyong Science High School (CMSHS) pa, na tunay na mala-Diyosa ang ganda kaya naman ako'y nasabik na makita ang sinasabi nilang dalaga.

Ngunit sa kabila ng mga nakalilibang na mga gawain na tulad nito, isang tao pa rin ang hinahanap ko. Bawat patak ng segundo, siya lamang ang namamalagi sa aking balintataw. Kanina nga lamang, iniisip ko kung siya ba'y nasa mabuting kalagayan, kung siya'y nakakain na at kung iniisip din kaya niya ko kahit papano sa mga panahong iyon. Hindi ako matahimik, gusto ko siya makita... o kahit masulyapan lamang kahit sa malayo. Kaya naman ng sinabi ng isa kong kaibigan na siya ay pupunta ng SM Megamall, ako'y nagpasiyang sumama. Bakit? Manunuod ang aking hinahanap-hanap na dalaga ay manunuod ng isang pagsasabuhay sa makabuluhang buhay ng kabiyak yumaong "Ina ng Demokrasya", si Benigno Servillano "Ninoy" Aquino, Jr sa nasabing gusaling pangkalakalan.

Noong una, nagdalawang isip pa ako kung dapat ba kong mag-antay para lamang makita siya. Alam kong pareho naming hindi alam ang magiging resulta kung makikita namin ang isa't isa sa panahong iyon, ngunit hindi iyon ang tunay na dahilan. Natatakot lamang ako na baka hindi niya ko pansinin. Takot na masaktan ng gagawin. Ngunit talagang nangingibabaw ang kagustuhan kong makita siya, kaya naman nagpapapilit na rin ako sa isa kong kaibigan.

Noong dumating na ang pagkakataon na nasa Megamall na ang aking hinihintay (ayon ito sa isang kaibigan ng aking hinihintay), bandang 1:20 ng hapon, hindi na ako mapakali sa aking kinatatayuan. Makikita ko siya. Masusulyapan ko siya. Bumibilis ang tibok ng puso ko. Natatakot, nasasabik, nangangamba... Lumipas pa ang ilang minuto... Halos sunod-sunod na ang aking paghinga... At sa wakas, naaninag ko na rin siya.

Halos tumigil ang mundo sa aking paligid. Nakasentro lamang ang aking paninigin sa kaniyang kagandahan. Hindi ako makapaniwala sa nangyayari sa mga panahong iyon: Nakita ko muli siya sa isa pang pagkakataon. Tunay na napuno ng kaligayahan ang aking puso...

Matapos silang lumampas sa amin, nagpasiya kong umuwi na. Tinanong ako ng aking kaibigan: "Ano pre? Ganoon na lamang ba 'yon?" Tila hindi ko rin masagot ang katanungan niya. Gusto kong makausap muli ang dalaga, makakuwentuhan kahit sandali lamang... Ngunit ayokong magbaka-sakali. Kailangan kong makuntento sa mga simpleng bagay na pinagkakaloob sa akin, kahit sa pagkakataong iyon lamang. Alam kong makakausap ko rin ulit siya balang araw... Na maibabalik din ang dati, dahil araw-araw ko naman itong ipinagpapanalangin sa Panginoon... Pero hindi pa ngayon... Hindi... Kahit gustong-gusto ko... Hindi pa ngayon.

Sa aming paglalakad pauwi, ang kasiyahang bumalot kanina sa akin ay tila hindi ko na ulit maaalala. Tila ba nalimot na agad ito ng panahon, tila napakatagal na ng naransan ko iyon... Ngunit alam kong dapat ako'y maging matatag, kailangan ko lamang ng tamang panahon...

Matuto kayong makuntento sa mga simpleng bagay na nangyayari sa buhay niyo. Magpasalamat ka na nakakakuwentuhan mo pa iyong taong mahal mo, nayayakap o nahahagkan. Malalaman mo na lamang kung gaano mo hahanap-hanapin ang simpleng "Uy!" na bati niya sa iyo kung huli na ang lahat.

            P.S. Salamat nga pala sa kaibigan kong sinamahan akong mag-antay at doon sa kaibigan ko na kamag-aral ng hinahanap-hanap ko na tumulong sa akin para masulyapan ko siya kahit ilang segundo lamang. J

Posted by J.D. at 6:21 PM |  
Label:

0 comments:

Subscribe to: Post Comments (Atom)